Siyam na araw bago ang inaabangang tapatan sa pagitan nina Manny Pacquiao at Mario Barrios para sa WBC Welterweight title sa Las Vegas, puspusan ang paghahanda ng kampo ng “Pambansang Kamao”.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Coach Marvin Somodia, assistant trainer ni Pacquiao sa California, ibinahagi nito ang kasalukuyang kondisyon ni Pacquiao habang papalapit ang laban.
Kabilang sa kanyang tungkulin bilang assistant trainer ang pagtutok sa daily performance ni Pacquiao, mula sa stretching, sparring, hanggang sa conditioning drills — upang masiguro kung kailan dapat taasan o bawasan ang intensity ng training.
Bagamat 46 anyos na si Pacquiao, ayon sa panayam, nananatiling maayos ang kanyang training routine at patuloy ang tamang nutrisyon, at napanatili rin ang mental at physical preparation.
May kaunting adjustments, ngunit buo pa rin ang focus sa bawat aspeto ng preparasyon.
Aminado ang kampo na malaking hamon ang age gap — si Barrios ay 30 anyos, subalit batid nila na ang karanasan ni Pacquiao ay maaaring maging susi sa panalo.
Nakita na rin sa mga nagdaang laban na kaya nitong makipagpuksaan sa mas matatangkad na kalaban tulad nina Oscar De la Hoya at Jessie Vargas.
Habang papalapit ang July 20, patuloy ang focus ng kampo ni Pacquiao sa paghahanda para sa isang laban na muling susubok sa kanyang legacy sa mundo ng boxing.