Patuloy ang nararanasang matinding init sa malaking bahagi ng Estados Unidos, kung saan milyon-milyong residente ang nakararanas ng feels-like temperature na umaabot sa 90°F hanggang 115°F.

Sa St. Louis, Missouri, nananatiling naka-extreme heat warning matapos ang sunod-sunod na araw ng matinding init.

Naka-alerto rin ang mga lugar sa South Carolina at North Carolina gaya ng Myrtle Beach, Wilmington, at Raleigh, na posibleng makaranas ng init na hanggang 115°F.

May mga umiiral ding heat advisories mula Florida hanggang Virginia at mula Texas hanggang West Virginia, kabilang ang Dallas, Memphis, at Cincinnati, pati na ang ilang bahagi ng Upper Midwest gaya ng Duluth at Bismarck.

Bahagyang gumaan naman ang lagay ng panahon sa Northeast dahil sa cold front na nagdulot ng ulan nitong Biyernes.

Nagpaalala ang mga awtoridad na umiwas sa direktang init at uminom ng maraming tubig.