Hindi pangkaraniwan ang makitang magkakasama sa isang hapag ang mga apelyidong Romualdez, Benitez, Poe, at Recto ngunit sa Kamara ng mga Kinatawan, nagsama-sama ang susunod na henerasyon ng mga kilalang pamilyang ito upang pag-usapan ang mga patakaran at adbokasiyang nais nilang isulong sa susunod na tatlong taon.

Sa mga larawang ibinahagi ng Tingog party-list, makikitang nagkakape’t nagtatalakayan sina Rep. Andrew Julian Romualdez, Negros Occidental 3rd District Rep. Javier Miguel L. Benitez, Batangas 6th District Rep. Ryan Recto, at FPJ Panday Bayanihan party-list Rep. Brian Poe habang naka-break ang seminar para sa mga bagong halal na mambabatas nitong Miyerkules.

Si Romualdez ay anak ni Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez at dating Tingog party-list Rep. Yedda Marie Romualdez; si Benitez ay anak ni Bacolod Mayor-turned-Congressman Albee Benitez; si Recto ay anak nina Finance Secretary Ralph Recto at Batangas Governor Vilma Santos; at si Poe ay anak ni dating Senadora Grace Poe.

Ayon sa pahayag ng Tingog, “Ang mga batang lider sa Kamara ay nagtipon para sa isang working lunch upang magbahagi ng kaalaman at pananaw ukol sa paggawa ng batas, serbisyo publiko, at mabuting pamahalaan.”

Bilang mga unang beses na halal sa Kongreso, tinalakay ng apat ang kanilang mga natutunan sa isinasagawang Executive Course on Legislation. Nakatuon ang talakayan sa pag-align ng kanilang legislative priorities sa mga layunin ng pambansang kaunlaran sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Layunin din ng pagpupulong ang pag-explore ng posibleng kolaborasyon sa mga mahahalagang repormang pambatas, estratehiya sa pag-unlad ng kani-kanilang distrito, at mga hakbang para sa transparency at accountability.

Hindi ito ang unang pagkakataon na nakita sa publiko ang pagkakaibigan nina Romualdez at Benitez. Noong Lunes, namataan ang dalawa na magkasamang nagkakatuwaan bago magsimula ang isa sa mga sesyon ng training para sa mga bagong halal at nagbabalik na mambabatas ng Ika-20 Kongreso.