Labinsiyam ang naiulat na nasawi bunsod ng epekto ng tropical cyclones na sina Mirasol, Nando, Opong, at ng Southwest Monsoon o Habagat, ayon sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Sabado.
Sa naturang bilang, apat na kaso ang nakumpirma habang 15 pa ang sumasailalim sa beripikasyon, batay sa situational report ng NDRRMC.
Samantala, labingwalo ang nasugatan, kung saan labing-apat na ang nakumpirma. Labing-apat din ang naiulat na nawawala at kasalukuyang bineberipika.
Umabot sa 2,026,246 na indibidwal o katumbas ng 520,165 pamilya ang naapektuhan sa 15 rehiyon, 57 probinsya, 504 lungsod at bayan, at 4,219 barangay. Nasa 351,840 katao naman ang napilitang lumikas, karamihan ay pansamantalang nanunuluyan sa 1,906 evacuation centers.
Naitala rin ng NDRRMC ang preemptive evacuation ng 407,914 katao o 114,121 pamilya sa Regions 1, 2, 3, 5, 6, CALABARZON, MIMAROPA, CARAGA, CAR, at Negros Island Region.
Umabot sa 243 na kalsada at 46 na tulay ang naapektuhan ng kalamidad. Sa mga ito, 30 road sections sa Region 1 ang nananatiling hindi madaanan hanggang nitong Sabado.
Nakararanas din ng pagkawala ng kuryente ang 143 lungsod at bayan; 105 na rito ang naibalik ang suplay.
Naitala ang pinsala sa 5,202 kabahayan, kabilang ang 708 na tuluyang nawasak. Kabilang sa mga apektadong lugar ang Region 1, Region 2, CAR, Region 3, CALABARZON, MIMAROPA, Region 5, Region 6, Region 9, at BARMM.
Tinatayang nasa P914,875,615.50 ang lugi sa agrikultura, katumbas ng 78,267.08 metric tons ng produksyon. Samantala, P822,163,458.08 naman ang halaga ng pinsala sa imprastruktura na naiulat sa Region 1, Region 2, CAR, CALABARZON, MIMAROPA, Region 6, at Region 7.
Nagdeklara ng state of calamity ang 32 lungsod at bayan.
Sa kabila nito, umabot na sa 84,641 ang nabigyan ng tulong mula sa tinatayang 122,800 pamilya na nangangailangan. Nasa P57,928,043.74 ang kabuuang halaga ng naipadalang ayuda.