Ipinahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbubukas ng tanggapan ng Social Security System (SSS) sa Embahada ng Pilipinas sa Seoul, South Korea, at ang pagtatatag ng bagong Philippine Consulate General sa Busan.

Ginawa ng Pangulo ang anunsyo sa kanyang pakikipagpulong sa mga miyembro ng Filipino community sa Busan nitong Huwebes. Ayon kay Marcos, layunin ng hakbang na ito na mapalapit sa mga overseas Filipino workers (OFWs) sa South Korea ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng bagong SSS office, makakapagproseso na ang mga Pilipino ng kanilang mga benepisyo, pagpaparehistro, at pag-file ng claims nang hindi na kinakailangang umuwi pa sa Pilipinas.

“Mga kababayan, nais kong iparating sa inyo na hindi namin kayo nakakalimutan. Patuloy naming pinagbubuti ang paraan upang maihatid sa inyo ang serbisyo ng pamahalaan—kahit saan man kayo naroroon,” pahayag ni Marcos.

Dagdag pa ng Pangulo, bahagi ito ng mga hakbang ng pamahalaan upang palawakin ang mga programang panlipunang proteksyon at mapahusay ang access ng mga OFW sa serbisyo ng gobyerno.

Samantala, inihayag din ni Marcos na tinatapos na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang mga paghahanda para sa pagbubukas ng bagong konsulado sa Busan, na inaasahang magbubukas sa susunod na taon.

Ang nasabing konsulado ay magsisilbi sa mga Pilipino sa Busan, Ulsan, at Gimhae, at mag-aalok ng mga serbisyo gaya ng passport renewal, civil registry, at iba pang konsular na dokumento.

“Ang pagtatayo ng konsulado ay isang mahalagang hakbang upang mas mapalapit ang serbisyo ng ating pamahalaan sa bawat Pilipino dito sa Busan at sa mga karatig-lugar tulad ng Ulsan at Gimhae. Sa lalong madaling panahon, hindi niyo na kailangang bumiyahe pa papuntang Seoul para mag-renew ng pasaporte o magsumite ng mga dokumento,” dagdag pa ng Pangulo.

Dumating si Pangulong Marcos sa South Korea noong unang bahagi ng linggong ito upang dumalo sa 32nd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting na ginanap sa Gyeongju, South Korea.