ILOILO CITY – Inaprubahan na ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB), ang P25.00 na karagdagang sahod bawat araw ng mga minimum wage earners sa Western Visayas at Negros Occidental.
Sinabi ni Department of Labor and Employment (DOLE) Region 6 OIC regional director Salome Siaton na siya ring chairperson ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board, resulta ito ng serye ng konsultasyon at public hearings sa mga employers at manggagawa.
Ngunit nilinaw ng DOLE na hindi kasama sa wage increase ang mga kasambahay, personal drivers, at ang mga manggagawa sa nakarehistrong micro business enterprise sa mga barangay.
Ayon sa DOLE, ang makakatanggap lamang ng kabuuang P25.00 na dagdag sa sahod ay ang mga nagtatrabaho sa non-agriculture, industrial at commercial establishments na ang mga manggagawa ay higit sa 10 katao.
Epektibo ang nasabing dagdag sahod sa mga minimum wage earners, simula Marso 16 ng taong kasalukuyan.