Patay ang hindi bababa sa 12 manggagawa matapos gumuho ang ginagawang tulay sa Qinghai province, China, ayon sa ulat ng state media.

Nasa 16 na manggagawa ang nasa itaas ng tulay nang biglang maputol ang isang steel cable pasado alas-tres ng madaling-araw nitong Biyernes habang isinasagawa ang tensioning operation, ayon sa Xinhua News Agency.

Apat pa ang patuloy na pinaghahanap gamit ang mga bangka, helicopter, at rescue robots.

Sa kuha ng aerial photos, makikita ang nawawalang bahagi ng tulay na nakasabit pababa sa Yellow River.

May habang 1.6 kilometro ang nasabing tulay, na 55 metro ang taas mula sa ilog, batay sa ulat ng China Daily.

Patuloy naman ang imbestigasyon sa nasabing trahedya.