Tahasang tinawag ni ML Party-list Representative Leila de Lima na labag sa Konstitusyon ang ikalawang utos ng Senado kaugnay ng impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte, kung saan inaatasan ang Mababang Kapulungan na magsumite ng panibagong resolusyon na nagpapatibay sa naging aksyon ng ika-19 na Kongreso.

Ayon kay De Lima, tapos na ang papel ng Kamara sa prosesong impeachment, kaya’t hindi na dapat ito hinihingan ng karagdagang dokumento mula sa Senado.

“I always hold the position that at this point, Senate cannot be asking or cannot be demanding anything from the House of Representatives with respect to the impeachment case. Kasi nagawa na ng House of Representatives ‘yung role niya. So what is left to be done is ‘yung umpisahan na ‘yung trial,” pahayag niya.

Dagdag pa ni De Lima, ang pagpapatupad ng bagong rekisito ay maaaring magbukas ng pintuan sa double jeopardy o higit pa sa isang impeachment laban sa parehong opisyal sa loob ng isang taon, isang bagay na tahasang ipinagbabawal ng Konstitusyon.

Diokno: Maaaring “patibong” ang kautusan
Ipinahayag din ni Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno na posibleng isa itong “patibong,” dahil kung susundin ito ng Kamara, maaaring ituring itong pangalawang impeachment complaint, na labag sa probisyon ng Saligang Batas.

“We should be very careful. This could be a trap,” ani Diokno sa isang panayam.

Bagamat hindi pa nagkakaisa ang ika-20 Kongreso ukol sa susunod na hakbang, sinabi ni House Prosecutor at Iloilo Rep. Lorenz Defensor na dapat pa ring sundin ng Kamara ang utos ng impeachment court.

“Like every prosecutor, we should abide by whatever order the impeachment court will require from us,” ani Defensor, ngunit nilinaw na wala pang pinal na desisyon ang buong Kamara.

Ayon kay Defensor, halos handa na ang prosecution panel na magsumite ng ebidensya laban kay VP Duterte, at hinihintay na lamang ang pormal na pagsisimula ng pre-trial sa Senado.

Samantala, positibo naman si Defensor sa posibleng paglahok nina De Lima at Diokno sa prosekusyon. Aniya, magiging “malaking dagdag” ang dalawa sa legal team dahil sa kanilang karanasan at kaalaman sa batas.

“I hope they will join the prosecution team because they are very good additions with their experience in the law,” dagdag niya.

Diokno: May “unified stand” ang oposisyon
Naniniwala si Diokno na nagkakaisa na ang oposisyon sa layuning panagutin ang Bise Presidente sa pamamagitan ng impeachment.

“The opposition has been calling for accountability for a long time. And this is a perfect opportunity to show the people that we are serious about accountability,” ani Diokno.

Ang ikalawang kautusan ng impeachment court ay naglalayong kumpirmahin ng ika-20 Kongreso ang aksyon ng naunang Kamara sa impeachment complaint, isang hakbang na kinukuwestyon ngayon ng ilang mambabatas.