Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng mas malalim na kooperasyon sa pagitan ng ASEAN at New Zealand habang ipinagdiriwang ng dalawang panig ang ikalimampung taon ng ugnayan ng dalawang bansa
Ayon kay Pangulong Marcos, bilang Comprehensive Strategic Partners, ang pagtutulungan ng ASEAN at New Zealand ay dapat palalimin sa apat na pangunahing haligi ng kooperasyon: Kapayapaan (Peace), Kaunlaran (Prosperity), Mamamayan (People), at Kalikasan (Planet).
Pinuri ng Pangulo ang patuloy na pakikibahagi ng New Zealand sa maritime cooperation sa rehiyon sa pamamagitan ng mga inisyatibang gaya ng ASEAN Regional Forum Workshops on Implementing UNCLOS at ASEAN Indo-Pacific Marine Debris Workshop, na tumutulong sa pagpapalakas ng kakayahan ng mga bansa sa pagharap sa mga hamon sa karagatan.
Malugod na tinanggap ng Pangulo ang pagpapatupad ng Second Protocol to Amend the ASEAN–Australia–New Zealand Free Trade Area (AANZFTA) na magpapalawak ng market access, magpapalakas ng regulatory certainty, at magbubukas ng mas maraming oportunidad sa e-commerce, sustainable trade, at pagpapaunlad ng MSMEs.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng kooperasyon sa sustainable agriculture at fisheries, sa tulong ng karanasan ng New Zealand sa agritech, sustainable farming, at value-chain integration, upang mapatatag ang kabuhayan at seguridad sa pagkain sa rehiyon.
Pinuri ni Marcos ang Manaaki New Zealand Scholarships na nagbibigay ng pagkakataon sa mga mag-aaral mula sa ASEAN na makapagpatuloy ng mas mataas na edukasyon at palalimin ang pagtutulungan at ugnayang kultural.
Partikular din niyang binanggit ang Mindanao Young Leaders Programme, na tumutulong sa pagsasanay at pagpapatatag ng kakayahan ng mga kabataang lider mula sa Mindanao.
Nagpasalamat din ang Pangulo sa New Zealand sa ambag nito sa ASEAN Centre for Biodiversity na nakabase sa Pilipinas, at kinilala ang galing nito sa biodiversity at species conservation.Philippine Travel Guides
Muling tiniyak ng Pangulo ang suporta ng Pilipinas sa ASEAN–New Zealand Comprehensive Strategic Partnership at sa pagpapatatag ng biennial ASEAN–New Zealand Summit.














