Nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa mga kasaping bansa ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) na bigyang-prayoridad ang ganap na pagpapanumbalik ng dispute settlement mechanism ng World Trade Organization (WTO), na ilang taon nang hindi ganap na gumagana.

Sa kanyang talumpati sa APEC Economic Leaders’ Meeting sa Gyeongju, South Korea nitong Biyernes, binigyang-diin ni Marcos na ang kawalan ng epektibong mekanismo upang maresolba ang mga alitan sa pandaigdigang kalakalan ay naglalagay sa mga maliliit na ekonomiya sa alanganin.

“Nanawagan ang Pilipinas sa mga ekonomiya na bigyang-prayoridad ang ganap na pagpapanumbalik ng dispute settlement mechanism at Appellate Body ng World Trade Organization,” ayon kay Marcos.

“Kung walang gumaganang mekanismo sa pagresolba ng mga alitan sa kalakalan, ang mga maliliit na ekonomiya ay malalagay sa kawalan. Para sa amin, ang mga patakaran ay isang makapangyarihang pantay na sandata.”

Simula noong 2019, hindi na aktibo ang Appellate Body ng WTO matapos hadlangan ng Estados Unidos, sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Donald Trump, ang pagtatalaga ng mga bagong hukom. Iginiit noon ng Washington na mayroong “judicial overreach” o labis na pagpapalawak ng kapangyarihan ang naturang lupon.

Bunga nito, nanatiling bahagyang gumagana lamang ang sistema ng WTO sa pagresolba ng mga sigalot sa kalakalan, dahilan upang bilyon-bilyong dolyar na halaga ng mga kaso sa pandaigdigang kalakalan ay hindi maresolba.

Bilang pansamantalang solusyon, dose-dosenang kasapi ng WTO ang bumuo ng Multi-Party Interim Appeal Arbitration Arrangement (MPIA) upang tugunan ang mga isyu habang hindi pa naibabalik ang Appellate Body. Ang United Kingdom ang pinakabagong bansang sumali sa nasabing mekanismo, ayon sa ulat ng Reuters noong Hunyo.

Sa parehong pulong, nanawagan din si Marcos sa mga pinuno ng APEC na patatagin ang ugnayan at tiwala sa isa’t isa upang mapanatili ang lakas at kahalagahan ng organisasyon.

“Huwag nating kalimutan ang ating layunin, ang magdala ng paglago, pagiging inklusibo, at pagpapanatili sa ating rehiyon, gayundin ang mga pangunahing prinsipyo ng pagiging bukas, di-pagkiling, at transparency,” ani ng Pangulo.