Mariing itinanggi ni dating hukom at kasalukuyang Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chairperson Felix Reyes ang pagkakasangkot sa mga paratang na ibinabato sa kanya ni Alyas “Totoy” o Julie “Dondon” Patidongan, ang whistleblower kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Sa isang pahayag na inilabas ngayong Hulyo 9, pinabulaanan ni Reyes ang lahat ng akusasyon ni Patidongan, kasabay ng pagtitiyak ng kanyang kahandaang makipagtulungan sa anumang imbestigasyon na maaaring isagawa hinggil sa usapin.

Isa sa mga mabibigat na paratang ni Patidongan ay ang umano’y pagkakasangkot ni Reyes sa case-fixing para sa negosyanteng si Atong Ang. Ayon kay Patidongan, ilang beses umanong bumiyahe sa ibang bansa si Reyes kasama ang ilang piskal at hukom upang isagawa ang nasabing modus.

Ngunit giit ni Reyes, ang mga alegasyon ay pawang kasinungalingan. “Kung hindi niya kayang panindigan at patunayan ang kanyang mga akusasyon, mas makabubuting manahimik na lamang siya,” ani Reyes.

Bilang patunay ng kanyang sinseridad, binigyang-otorisasyon na ni Reyes ang Bureau of Immigration na buksan ang lahat ng tala ng kanyang mga biyahe mula nang siya’y magretiro sa hudikatura noong 2021. Aniya, ito ay magpapatunay na walang basehan ang mga akusasyon ni Alyas Totoy.

Bukod dito, kinuwestyon din ni Reyes ang timing ng paglabas ng mga paratang, na lumitaw umano isang araw lamang matapos niyang magsumite ng aplikasyon para sa posisyong Ombudsman.

“Nakahanda akong sumailalim sa anumang imbestigasyon ng kahit anong ahensiya ng gobyerno upang mapatotohanan ang katotohanan at linisin ang pangalan hindi lang ng aking sarili, kundi pati ng judiciary at prosecution service na nadadawit sa isyung ito,” dagdag pa ni Reyes.