Muli na namang nanguna ang Pilipinas sa World Risk Index bilang bansang pinaka-exposed sa matitinding epekto ng extreme weather, partikular na pagbaha, ayon sa inilabas na ulat ngayong taon.
Batay sa World Risk Report 2025 na inilathala nitong Biyernes, kabilang ang Pilipinas sa mga bansang may pinakamataas na antas ng panganib mula sa sakuna.
Tinalakay ng ulat ang disaster risk sa 193 bansa sa buong mundo, na sumasaklaw sa lahat ng miyembro ng United Nations at mahigit 99 porsyento ng pandaigdigang populasyon.
Kasabay ng naturang ranggo, lumitaw din ang mga usapin hinggil sa mga iregularidad sa ilang proyekto ng imprastruktura na layong pigilan o kahit papaano ay mabawasan ang epekto ng pagbaha tuwing may malalakas na bagyo.
Ayon sa ulat, nananatiling nakapokus ang tinatawag na risk hot spots sa Asya at Amerika, gayundin sa Africa na patuloy umanong nagpapakita ng pinakamataas na antas ng vulnerability sa buong mundo.
Sa pahayag ng World Risk Report, inilahad na ang Pilipinas ay muling nasa tuktok ng World Risk Index ngayong taon bilang isang bansang may mataas na geographic fragmentation at lubos na pagkakalantad sa mga matitinding epekto ng panahon.