Sa kanyang ika-apat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, muling binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kanyang pangakong P20 kada kilong bigas, na aniya’y matagumpay nang nailunsad sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Napatunayan na natin ang P20 kilo ng bigas nang hindi malulugi ang ating mga magsasaka. Kamakailan lamang ay matagumpay natin itong nailunsod sa Luzon, Visayas, at Mindanao,” pahayag ni Marcos sa harap ng mga mambabatas at iba pang opisyal ng pamahalaan.

Ayon pa sa Pangulo, maglalaan ang gobyerno ng P113 bilyon upang palakasin ang mga programa ng Department of Agriculture (DA), kabilang na ang patuloy na pagpapalaganap ng P20 kada kilong bigas sa pamamagitan ng daan-daang Kadiwa store sa buong bansa.

Ang pangakong ito ay una niyang binitiwan noong panahon ng kanyang kampanya sa pagkapangulo noong 2022. Gayunman, inamin ng ilang opisyal ng agrikultura ng administrasyon na hindi agad ito kayang maisakatuparan dahil sa mga umiiral na hamon sa sektor ng agrikultura.