Tiniyak ng Malacañang na suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang isinusulong na mga hakbang para sa transparency at accountability sa pamahalaan.
Sa isang press briefing ngayong Lunes, sinabi ni Palace Press Officer Undersecretary Atty. Claire Castro na sang-ayon ang Pangulo sa mga hakbanging naglalayong linisin at gawing mas bukas ang pamahalaan sa mata ng publiko.
“Ang Pangulo po ay sang-ayon po at dapat lamang po nating ipatupad itong accountability and transparency sa gobyerno. So, hindi po tayo magkakaroon ng negatibong sagot mula sa Pangulo,” pahayag ni Castro.
Ang pahayag ay bilang tugon sa panawagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na obligahin ang lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno na isuko ang kanilang karapatan sa bank secrecy, kabilang ang mga deposito sa dayuhang salapi.
Isinusulong ni Escudero ang isang panukalang batas na mag-aatas sa mga kawani ng pamahalaan maliban sa mga nagsisilbi sa honorary capacity na magsumite ng written waiver na magbibigay kapangyarihan sa Office of the Ombudsman upang siyasatin ang lahat ng kanilang bank deposits at investments, kabilang ang foreign currency accounts.
“This bill has languished for too long,” ani Escudero sa hiwalay na pahayag. “I’m hopeful that this time, we can turn the rhetoric of transparency into actionable policy.”
Layon ng panukala na palakasin ang kampanya laban sa korapsyon at ibalik ang tiwala ng mamamayan sa mga institusyon ng pamahalaan.