Dalawang sako ang narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) mula sa ilalim ng Taal Lake sa bayan ng Laurel, Batangas nitong Sabado, habang nagpapatuloy ang search operation kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero.

Ayon kay PCG Commodore Geronimo Tuvilla, may lamang mga bato ang naturang mga sako. Agad itong isinurender sa PNP-SOCO at inilagay sa mga cadaver bag para sa forensic examination.

Inihayag din ni Tuvilla na pahirapan ang ginagawang search sa ilalim ng lawa dahil sa malakas na current at zero visibility. Gumagamit umano ang mga diver ng mga buoy at flotation device bilang marker upang hindi sila ma-disorient at madaling mabalikan ang mga object na kanilang na-identify sa lake bed.

Dagdag pa niya, kaagad nilang minamarkahan ang lugar kung saan may nadidiskubreng item upang masiguro ang maayos at maingat na retrieval pagdating ng SOCO, CIDG, at NBI.

Noong Biyernes, dalawang sako rin ang nakita sa ilalim ng lawa na naglalaman ng mga buto, habang isang sako na may lamang sunog na buto ang nauna nang nadiskubre nitong Huwebes.

Ayon kay DOJ Undersecretary Mico Clavano, sa kabila ng kakulangan ng visibility, nagawa ng mga diver na ma-identify ang mga sako sa pamamagitan ng pakiramdam sa lake bed.

Bahagi ito ng imbestigasyong konektado sa kaso ng mga sabungerong dinukot mula taong 2021 hanggang 2022. Batay sa naunang pahayag ng whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, patay na umano ang mga sabungero at itinapon ang kanilang mga katawan sa Taal Lake.