Kumpirmado ng Department of Foreign Affairs (DFA) na isa sa mga pangunahing tatalakayin sa nakatakdang bilateral consultation mechanism sa pagitan ng Pilipinas at China ay ang banggaan ng dalawang Chinese vessel sa Bajo de Masinloc.
Ayon kay DFA Undersecretary Theresa Lazaro, kabilang sa mga karaniwang paksa sa mga ganitong bilateral talks ang lahat ng isyu sa South China Sea, kaya’t inaasahang mabibigyang-linaw ang naturang insidente.
Aniya, ang ganitong mekanismo ang epektibong channel ng komunikasyon ng dalawang bansa.
Samantala, isang linggo matapos ang insidente, nagsagawa ng joint sailing ang mga barkong pandigma ng Pilipinas, Australia, at Canada malapit sa Lubang Island, Mindoro noong Agosto 17.
Bahagi ito ng Philippine-Australia Alon Military Exercises.
Ayon sa Philippine Navy, epektibo ang mga ganitong pagsasanay sa pagbawas ng coercive actions mula sa China.
Ipinahayag ni Rear Admiral Roy Vincent Trinidad na napapansin nilang nagiging maingat ang kilos ng China kapag may presensiya ng mga foreign warships sa loob ng ating maritime domain.
Gayunpaman, nang tanungin kung dapat bang mas aktibo na ang Navy sa pagtugon sa agresyon ng China, sinabi ni Trinidad na speculative pa ang ganitong premise, at ang desisyon ay nakasalalay sa unified commander.
Tiniyak niyang handa ang Armed Forces of the Philippines na magbigay ng suporta kung kinakailangan.
Samantala, nagbabala ang security analyst na si Renato de Castro na maaaring gumanti ang China laban sa puwersa ng Pilipinas upang ipakita na hindi basta-basta mapapahiya ang Beijing.
Ayon sa kanya, may impormasyon na plano ng Chinese Coast Guard na magsagawa ng patrol sa loob ng 12 nautical miles ng teritoryo ng Pilipinas, partikular sa paligid ng Manila Bay.
Sa kabilang banda, iginiit ng National Maritime Council (NMC) na hindi papayagan ang Philippine Navy na samahan ang Philippine Coast Guard sa Bajo de Masinloc.
Ayon sa tagapagsalita ng NMC na si Alexander Lopez, malinaw ang direktiba ng Pangulo na iwasan ang anumang provocation upang maiwasan ang miscalculation na maaaring humantong sa eskalasyon ng tension