Iloilo City — Ipinahayag ni Konsehal Rex Marcus Sarabia na limitado lamang ang kapangyarihan ng City Council pagdating sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y ghost project sa Batiano River, at iginiit na dapat ang ICI ang manguna sa pagsisiyasat.

Matatandaan na sa ginanap na People’s Meeting noong nakaraang linggo, sinagot ni Congresswoman Julienne “Jamjam” Baronda ang mga tanong ng mga residente at nilinaw na walang ghost project na nagaganap sa lungsod.

Gayunman, binigyang-diin ni Sarabia na ang nasabing People’s Meeting ng kongresista at ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay isa lamang general statement para sa publiko at hindi direktang tumutugon sa isyu ng pagbaha sa lungsod.

Dagdag pa ng konsehal, hindi malinaw ang mga paliwanag na ibinigay ng DPWH at ng opisina ng Lone District Representative, dahilan upang manatiling palaisipan sa mga mamamayan ang tunay na kalagayan ng mga proyekto sa Batiano River.

Bilang hamon, mariing sinabi ni Sarabia na handa siyang “magpa-utod sang ulo” kung mapapatunayang mayroong aktuwal na natapos na proyekto sa naturang lugar.