Kinilala ng Senado ang desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo 8 na pag-isahin ang dalawang kasong may kinalaman sa impeachment proceedings laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.

Ayon sa inilabas na pahayag, inatasan ng kataas-taasang hukuman ang mga respondent na magsumite ng kinakailangang dokumento at paliwanag kaugnay sa inihaing hiling para sa karagdagang impormasyon tungkol sa impeachment process.

Ipinaliwanag ni Senate impeachment court spokesperson Atty. Regie Tongol na kahalintulad ito ng naging hakbang ng Senado noong Hunyo 10, kung saan pinasuri rin ang proseso ng pagpapatibay ng impeachment articles.

Dagdag ni Tongol, magsisimula na ang paghahanda ng Senado para sa kanilang opisyal na tugon sa Korte Suprema. Gayunpaman, nilinaw niyang karamihan sa hinihinging dokumento at impormasyon ay saklaw ng proseso ng Kamara de Representante.

Sa kabila ng mga kaganapan, tiniyak ng Senado ang kanilang patuloy na paggalang sa proseso ng hudikatura at sa umiiral na sub judice rule, dahilan kung bakit hindi sila magbibigay ng karagdagang pahayag sa publiko habang bukas pa ang usapin.