Hinimok ni Senador Raffy Tulfo ang Department of Migrant Workers (DMW) na ituloy ang ginagawang beripikasyon at imbestigasyon kaugnay ng napaulat na pag-atake ng Houthi rebels sa Greek-owned bulk carrier na Eternity C, na may sakay na mga Pilipinong seafarers habang bumabaybay ito sa Red Sea noong Hulyo 7.
Bilang chairman ng Senate Committee on Public Services, nagpahayag ng matinding pag-aalala si Tulfo sa kalagayan ng mga Pilipinong marino na lulan ng naturang barko. Ayon sa kanya, mahalaga ang patuloy na pagmamanman sa kanilang sitwasyon upang agad na maiparating ng pamahalaan ang kinakailangang tulong, lalo na kung may kailangang ilunsad na rescue operations.
Dagdag ng senador, “Dapat maibsan ang pangamba ng mga pamilya ng mga seafarers dito sa Pilipinas sa pamamagitan ng mabilis na aksyon ng gobyerno.”
Dahil sa serye ng mga pag-atake sa mga barko sa Red Sea nitong mga nakaraang taon, iminungkahi rin ni Tulfo na pag-isipan ng DMW ang posibilidad na ipagbawal muna ang pagpapadala ng mga Filipino seafarers sa mga barkong dumadaan sa naturang mapanganib na ruta, at ilipat sila sa mga barkong bumabaybay sa mas ligtas na karagatan.
Batay sa ulat ng European Union Operation Aspides at ng private security firm na Ambrey, binanatan ng Houthi rebels ang Eternity C gamit ang maliliit na bangka at mga drones na may dalang pampasabog habang ito ay patungong Hilaga, papasok sa Suez Canal.
Ayon naman kay DMW Secretary Hans Leo Cacdac, 21 sa 22 na crew ng barko ay mga Pilipino, kabilang na ang kapitan. Gayunpaman, wala pa umanong opisyal na ulat kung may nasawi, nasugatan, o nawawala sa mga tripulante.
Sa ngayon, isinasagawa pa rin ang beripikasyon ng impormasyon sa pakikipagtulungan ng Defense Attaché sa Bahrain, UK Maritime Trade Operations (UKMTO), at mga principal ng barko na Cosmoship at LMA Status Maritime.
Nanawagan si Senador Tulfo sa mga kaukulang ahensya na tiyaking mailalagay sa ligtas na kalagayan ang mga Pilipinong marino, lalo na sa mga panahong tumataas ang banta sa internasyonal na karagatan.