Ipinag-utos ng lokal na pamahalaan ng Carles ang pansamantalang pagsasara ng Tangke (Saltwater Lagoon) sa Barangay Gabi, Gigantes Sur,Carles, lloilo.

Ito ay mula Setyembre 1 hanggang Setyembre 30, 2025, alinsunod sa Executive Order No. 94, Series of 2025 na nilagdaan ni Mayor Arnold Betita II.

Layon ng naturang kautusan na mapangalagaan ang likas na ganda at kalikasan ng Tangke, bigyang-daan ang natural nitong rehabilitasyon, at tiyakin ang kaligtasan ng mga turista lalo na sa panahon ng Habagat kung kailan malalakas ang alon sa bungad ng lagoon.

Ayon pa sa alkalde, bahagi ito ng pangako ng munisipyo sa sustainable tourism at pangangalaga ng kalikasan, upang manatiling buhay at maipamana pa sa susunod na henerasyon ang mga yaman ng Carles.

Nanawagan ang LGU sa mga turista, stakeholders, at lokal na katuwang na makiisa para sa ligtas at responsableng pamamasyal, kasabay ng pagpapanatili ng kagandahan ng Tangke Lagoon.