Pumanaw na ang South Korean actress na si Kang Seo Ha sa edad na 31, ayon sa ulat ng Korean entertainment site na Soompi nitong Lunes. Kinumpirma sa ulat na sanhi ng kanyang pagpanaw ay cancer.

Sa isang emosyonal na Instagram post, nagbahagi ang isang kaanak ni Seo Ha ng video compilation ng mga larawan ng aktres, kalakip ang isang taos-pusong liham bilang pagpupugay sa kanyang alaala.

“Thank you and that it was fortunate that it was this long, but I was really embarrassed,” saad sa caption ng naturang post, na nagpapahiwatig ng pasasalamat at pangungulila.

Ayon sa Soompi, nakalagak ang memorial altar ni Kang Seo Ha sa Seoul St. Mary’s Hospital, habang itinakda naman ang kanyang libing sa Hulyo 16 sa ganap na alas-7:40 ng umaga sa Haman, Gyeongnam Province.

Si Kang Seo Ha ay nakilala sa mga sikat na palabas gaya ng “Schoolgirl Detectives,” “Assembly,” “First Love Again,” “Through the Waves,” “The Flower in Prison,” at “Heart Surgeons.”

Bago siya bawian ng buhay, natapos pa niya ang pelikulang “Mangnaein,” na ngayon ay itinuturing bilang kanyang huling proyekto sa industriya.