Idineklara ng pamahalaan ng Sri Lanka ang state of emergency matapos ang malawakang pagbaha at pagguho ng lupa na dulot ng Cyclone Ditwah, na ngayo’y itinuturing bilang isa sa pinakamapaminsalang bagyo na tumama sa bansa sa mga nagdaang taon. Mahigit 330 katao na ang naitalang nasawi.
Ayon sa mga opisyal, higit 200 pa ang nananatiling nawawala, habang 200,000 kabahayan ang nawasak at nagresulta sa paglikas ng mahigit 108,000 indibidwal patungo sa mga pansamantalang evacuation center na pinapatakbo ng estado.
Tinatayang isang-katlo ng bansa ang walang suplay ng kuryente at tubig, bagay na lalo pang nagpapahirap sa operasyon ng mga otoridad at sa kalagayan ng mga residente.
Inilarawan naman ni Sri Lankan President Anura Kumara Dissanayake ang pananalasa ng bagyo bilang ang “pinaka-malaking hamon na kalamidad” na tumama sa kanilang bansa, at iginiit na napakalawak ng pinsalang iniwan nito.
Patuloy naman ang mga evacuation sa iba’t ibang lugar, lalo na sa mga komunidad na binaha matapos umapaw ang tubig mula sa Kelani River.
Sa ulat ng isang residente mula sa gitnang bahagi ng Sri Lanka, 15 kabahayan sa kanilang lugar ang tuluyang natabunan ng malalaking bato at makakapal na putik, at wala ni isa mang nakaligtas.
Pinakamaraming nasawi ang naitala sa Kandy at Badulla, kung saan marami pang lugar ang hindi nararating ng mga rescue team dahil sa pagkasira ng mga kalsada at patuloy na pagguho ng lupa.
Dahil sa lawak ng pinsala, umapela na ang pamahalaan ng Sri Lanka para sa international aid at hinihikayat ang mga Sri Lankan na nasa ibang bansa na magbigay ng donasyon upang matulungan ang mga apektadong komunidad.














