Hindi kumbinsido ang economic think tank na Ibon Foundation na maaabot ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang target nitong ibaba sa 3.8% ang budget deficit sa pagtatapos ng kanyang termino.

Ayon kay Sonny Africa, Executive Director ng Ibon Foundation, mahihirapan ang pamahalaan na pababain ang budget deficit hangga’t nananatili ang kasalukuyang prioridad sa paggasta at pagbubuwis.

“Pinapababa ang pondo para sa mga pangunahing serbisyo, habang binabawasan ang buwis ng mayayaman at ipinamumudmod ang bilyon-bilyong pisong ayuda. Kung ganito ang focus ng gobyerno, hindi talaga bababa ang budget deficit,” ani Africa.

Idinagdag niya na isang malinaw na palatandaan ng kakulangan sa pondo ng gobyerno ang tuloy-tuloy na pag-utang ng bansa para matustusan ang mga gastusin.

Ang budget deficit ay nangyayari kapag mas malaki ang ginagastos ng gobyerno kaysa sa kabuuang kinikita nito mula sa buwis at iba pang pinagkakakitaan. Sa kasalukuyan, patuloy na lumalaki ang agwat sa pagitan ng kita at gastusin ng gobyerno.

Layunin ng administrasyon na mapababa ang deficit ratio sa 3.8% ng gross domestic product (GDP) pagsapit ng 2028. Ngunit ayon sa Ibon Foundation, malabong makamit ito kung hindi babaguhin ang kasalukuyang polisiya sa buwis at paggasta.

Binanggit din ni Africa na ang pagbawas sa pondo para sa basic services, gaya ng edukasyon, kalusugan, at pabahay ay nagpapahina sa kakayahan ng gobyerno na tumugon sa pangangailangan ng mamamayan. Kasabay nito, aniya, ay ang patuloy na pagbibigay ng pabor sa mayayaman sa pamamagitan ng tax breaks.

“Habang pinapasan ng karaniwang Pilipino ang bigat ng buwis at mataas na presyo ng bilihin, lumalawak ang agwat sa yaman. At ang kapalit nito ay mas malalim na utang para sa susunod na henerasyon,” dagdag pa ni Africa.

Hinimok ng Ibon Foundation ang pamahalaan na baguhin ang direksyon ng economic policy at bigyang-priyoridad ang mas makatarungan at inklusibong pag-unlad upang mapanatili ang fiscal sustainability nang hindi isinasakripisyo ang kapakanan ng mamamayan.