Maaari nang bumalik sa kanilang operasyon ang mga komersyal na mangingisda sa conservation area ng Visayan Sea matapos i-lift ang ipinatupad na fishing ban.
Batay sa anunsyo ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), natapos kahapon, Pebrero 15, ang closed fishing season para sa haul-haol (sardinas), japayuki (mackerel), at tawilis (herring).
Sinimulan ang pagbabawal sa pangingisda ng naturang mga species noong Nobyembre 15, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay BFAR Region 6 Director Remia Aparri, sinabi niya na layunin ng taunang closure na mapanatili at maparami ang populasyon ng mga nabanggit na isda sa Visayan Sea—isa sa pinakamalaki at pinakamahalagang fishing ground sa bansa.
Mahalaga rin ang hakbang na ito para sa pangmatagalang seguridad sa pagkain at katatagan ng ekonomiya ng mga nakapalibot na bayan, lalo’t tinatayang mahigit 100,000 mangingisda ang nakadepende rito para sa kanilang kabuhayan.
Ayon pa sa ahensya, ang pagtaas ng suplay ng sardinas at mackerel sa Northern Iloilo at Antique tuwing tag-init ay patunay na epektibo ang taunang pagpapatupad ng fishing ban.
Nagtulungan din ang mahigit 20 lokal na pamahalaan sa mga lalawigan ng Iloilo, Capiz, Negros Occidental, at Cebu, kasama ang marine authorities at mga lokal na komunidad ng mangingisda, sa pagpapatupad ng rest period o tinatawag ng mga lokal na “pahuway sang baybay.”














