Tatlong miyembro ng isang pamilya ang nasawi habang isang senior citizen ang sugatan matapos sumiklab ang apoy sa kanilang ancestral house sa Barangay Ampid 1, madaling araw ng Linggo.
Kinilala ang mga nasawi bilang isang 60-anyos na ginang, ang kanyang 30-anyos na anak na babae, at ang 28-anyos na asawa nito.
Lahat sila ay naninirahan sa nasunog na bahay.
Nakaligtas ngunit nagtamo ng malubhang first-degree burns ang 64-anyos na ama ng pamilya, na nakatakas matapos tumalon mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Siya ay kasalukuyang ginagamot sa East Avenue Medical Center at kinakailangang lagyan ng tubo dahil sa hirap sa paghinga sanhi ng nalanghap na usok.
Ayon sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog bandang alas-2:00 ng madaling araw at idineklarang first alarm.
Nilabanan ng mga bombero ang apoy at naideklarang fire-out bandang alas-2:59 ng madaling araw.
Sa pahayag ni Cecilio Ebunga, deputy chief ng Barangay Disaster Risk Reduction and Management Office ng Ampid 1, natagpuan ang mag-asawa na patay sa loob ng comfort room. Pinili umano nilang pumasok dito upang makaiwas sa apoy ngunit na-trap at hindi makalabas.
Ang senior citizen naman ay natagpuan sa ground floor nang bumagsak ang flooring ng ikalawang palapag kung saan siya naharang ng apoy. Sa kabila nito, nagawang tumalon ng lalaki sa terrace ng bahay upang makatakas.
Ayon sa mga kapitbahay, hindi agad nagising ang mga biktima sa pagkalat ng apoy kaya’t napalaganap ito sa kanilang bahay pati na rin sa isang sasakyan na nakaparada sa loob ng compound.
Sinubukan nilang gisingin ang pamilya at kahit bumato sa bahay upang maabala ang mga ito ngunit hindi naging matagumpay.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga arson investigator ang sanhi ng sunog pati na ang halaga ng nasirang ari-arian.