Tinuligsa ni U.S. President Donald Trump ang plano ni Elon Musk na magtatag ng bagong partidong pulitikal na tinawag na “America Party,” na ayon sa kanya ay isang “katawa-tawa” at makadaragdag lamang sa kalituhan ng mga botante.

Ayon kay Trump, sapat na ang umiiral na dalawang pangunahing partido sa Amerika—ang Republican at Democratic Party, at hindi na umano kinakailangan ng ikatlong partido.

“I think it’s ridiculous to start a third party. We have a tremendous success with the Republican Party,” pahayag ni Trump bago lumipad pabalik ng Washington sakay ng Air Force One. “The Democrats have lost their way, but it’s always been a two-party system, and I think starting a third party just adds to confusion.”

Idinagdag pa ng dating Pangulo na hindi naging matagumpay sa kasaysayan ang mga third party sa Amerika: “It really seems to have been developed for two parties. Third parties have never worked, so he can have fun with it, but I think it’s ridiculous.”

Ang pagkakatatag ng bagong partido ni Musk ay sinasabing tugon sa mga polisiyang ipinatupad ng administrasyong Trump, partikular na ang ‘tax-cut and spending bill’ na kanyang nilagdaan. Mariing tinutulan ito ni Musk, sa paniniwalang ito’y mapanganib para sa ekonomiya ng bansa.

Lalong uminit ang bangayan sa pagitan nina Trump at Musk matapos mawala ang mga green-energy credits para sa Tesla, na nakapaloob sa bagong batas. Bilang tugon, nagbanta si Trump na maaaring bawiin ng pamahalaan ang mga kontrata at subsidiya para sa Tesla at SpaceX.

Pinuna rin ni Trump ang umano’y “conflict of interest” sa pagkakatalaga kay Jared Isaacman, isang kaalyado ni Musk bilang pinuno ng NASA. “I also thought it inappropriate that a very close friend of Elon, who was in the Space Business, run NASA, when NASA is such a big part of Elon’s corporate life,” aniya sa isang post sa Truth Social. “My Number One charge is to protect the American Public!”

Samantala, ipinagpaliban ng Azoria Partners, isang investment firm, ang paglulunsad ng kanilang Tesla-focused fund dahil sa pagkakatatag ng America Party. Itinuturing nila itong potensyal na hadlang sa epektibong pamumuno ni Musk bilang CEO ng Tesla.