Isang malakas na lindol na may lakás na 8.7 magnitude ang yumanig malapit sa Kamchatka Peninsula sa Russia nitong Miyerkules ng umaga, na nagbunsod ng mga babala ng tsunami at mga kautusang lumikas para sa ilang bahagi ng Japan, Russia, Alaska, at maging sa Hawaii.

Ayon sa Japan Meteorological Agency (JMA), unang naitala ang lindol bandang 8:25 a.m. (oras sa Japan) o 11:25 p.m. GMT noong Martes, na unang tinaya sa 8.0 magnitude, ngunit kalauna’y itinaas sa 8.7 matapos ang mas masusing pagsusuri.

Naglabas ang ahensiya ng tsunami advisory para sa hanggang 1 metrong taas ng alon sa baybayin ng Pacific sa Japan, ngunit inaasahang aabot pa ito sa 3 metro, batay sa pinakabagong pagsusuri.

Ayon kay Yoshimasa Hayashi, Chief Cabinet Secretary ng Japan:

“Ang mga nasa baybayin ay agad na dapat lumikas patungo sa mas mataas na lugar o ligtas na gusali sa mga lugar na nasa ilalim ng babala ng tsunami mula Hokkaido hanggang Wakayama Prefecture. Tandaan na maaaring mas mataas pa ang kasunod na alon kaysa sa naunang dumating.”

Ang lindol ay tumama sa layong humigit-kumulang 250 kilometro mula sa Hokkaido, ang pinakahilagang pangunahing isla ng Japan. Ayon sa ulat ng NHK, bahagya lamang itong naramdaman sa bansa.

Samantala, ayon sa U.S. Geological Survey (USGS), ang lindol ay may lalim na 19.3 kilometro (12 milya).

Nagbabala ang USGS na ang mga mapanganib na alon ng tsunami na maaaring umabot sa 3 metro ang taas ay posibleng tumama sa baybayin ng Russia at Japan sa loob ng susunod na tatlong oras.

Kasabay nito, naglabas din ng tsunami warning ang Pacific Tsunami Warning Center ng U.S. National Weather Service para sa Hawaii, kung saan maaaring makaranas ng pagtaas ng tubig at pinsala sa mga baybayin ng lahat ng isla.