Pinayagan ng US Supreme Court nitong Biyernes ang Trump administration na pansamantalang i-freeze ang mahigit $4 bilyong pondo para sa foreign aid na inaprobahan ng Congress.


Ayon sa conservative-dominated court, mas matimbang umano ang kapangyarihan ng pangulo sa pamamahala ng foreign affairs kaysa sa posibleng pinsala na kahaharapin ng mga nakalaang tatanggap ng nasabing pondo.

Nilinaw ng korte na ang inilabas nitong emergency order ay hindi pa pinal na desisyon sa kaso.

Sa halip, ito ay nagbubukas ng daan para pansamantalang pigilan ang paglalabas ng pondo habang nagpapatuloy pa ang pagdinig sa lower courts.

Tumutol naman ang tatlong liberal justices, kabilang si Justice Elena Kagan na nagsabing mataas ang nakataya sa usaping ito.

Iginiit niyang ang isyu ay nakatuon sa alokasyon ng kapangyarihan sa pagitan ng Executive at ng Congress pagdating sa paggastos ng pondo publiko.

Binanggit din ni Kagan na ang order ay inilabas nang may “scant briefing, walang oral argument, at walang pagkakataon para sa deliberasyon sa conference.”

Dagdag pa niya, ang naging epekto ng desisyon ay pahintulutan ang Executive branch na ihinto ang paglalaan ng $4 bilyong foreign aid na inaprobahan ng Congress, pondo na ngayon ay posibleng hindi na makarating sa mga itinalagang benepisyaryo.