Nagbabala ang isang dermatologist na maaaring magdulot ng sunburn at skin cancer ang labis na pagbabad sa araw, lalo na sa gitna ng matinding init. Ayon kay Dr. Henedina “Dina” Belicena, mahalagang alagaan ang balat hindi lang para sa kagandahan kundi para sa kalusugan.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Dr. Belicena, isang dermatologist at miyembro ng Public Safety group ng Philippine Dermatological Society, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng edukasyon sa publiko hinggil sa “skin health.” Aniya, hindi lamang ito tungkol sa pagpapaganda kundi sa wastong pagprotekta sa balat laban sa mga sakit mula sa kapaligiran, partikular ang sikat ng araw.

Ipinaliwanag niya na may tatlong pangunahing uri ng ultraviolet (UV) rays mula sa araw: ang UVA, na tumatagos sa balat at nagpapabilis ng pagtanda; UVB, na nagdudulot ng sunburn; at UVC, ang pinaka-mapanganib at maaaring magdulot ng skin cancer.

Bukod sa sunburn, binanggit ni Dr. Belicena ang mga kondisyon tulad ng melasma, na lumalala sa sobrang init at paggamit ng ilang cosmetics na nagpapasensitibo sa balat.

Pinakaapektado, aniya, ang mga may light complexion, may family history ng cancer, at yaong madalas na na-e-expose sa araw, bagamat may mga kaso rin sa morena o dark-skinned individuals.

Dagdag niya, may dalawang pangunahing uri ng skin cancer: Basal Cell Carcinoma at Melanoma. Bagamat may genetic factors, malaki ang epekto ng environmental exposure, kabilang na ang maling paggamit ng produkto.

Nagbabala rin si Dr. Belicena laban sa paggamit ng mga unregistered whitening products na may delikadong sangkap gaya ng mercury, na maaaring magdulot ng kondisyong tinatawag na ochronosis. Aniya, dapat iwasan ang self-medication at palaging suriin ang label ng mga produktong ginagamit.

Bilang proteksyon, inirerekomenda niya ang paggamit ng sunblock o sunscreen na may SPF at “clean form” na active ingredients. Ayon sa kanya, sapat na ang 15 minutong sun exposure kada araw para sa Vitamin D, ngunit dapat iwasan ang araw mula 10:00 AM hanggang 3:00 PM.

Paalala pa niya, may ilang sangkap sa sunscreen tulad ng oxybenzone at octinoxate na maaaring makasira ng coral reefs, kaya’t mahalagang suriin ang nilalaman at pinanggalingan ng bawat produktong ginagamit.

Giit ni Dr. Belicena, ang balat ay hindi lamang panlabas na anyo kundi pananggalang ng ating kalusugan , kaya’t ito ay nararapat pangalagaan.