Muling itinanggi nina Senador Joel Villanueva at Senador Jinggoy Estrada ang anumang kaugnayan nila sa umano’y katiwalian sa mga proyekto ng flood control.
Ito ay matapos irekomenda ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman (OMB) na sampahan ng kasong plunder, bribery, at iba pang kaugnay na kasong may kinalaman sa korapsyon ang dalawang senador, dahil umano sa pagtanggap nila ng benepisyo mula sa mga kuwestiyonableng proyekto.
Iginiit ni Villanueva na makikita sa mga rekord ng Senado na mula pa sa simula ay tinutulan na niya ang mga naturang proyekto. Ayon sa kanya, isa siya sa mga unang nagbunyag at kumuwestiyon sa mga proyektong ito, na marami sa mga ito ay hindi pa rin natutupad hanggang ngayon.
Dagdag pa ng senador, malinaw umano sa pahayag ng dating DPWH District Engineer na si Henry Alcantara na wala siyang anumang kinalaman sa mga proyekto sa flood control.
Gayunman, sinabi ni Villanueva na hihintayin niya ang magiging aksyon ng Ombudsman at maghahain ng pormal na tugon sa tamang panahon upang patunayan ang kanyang kawalang-sala.
Samantala, mariin ding itinanggi ni Estrada na nakatanggap siya ng anumang pondo na may kaugnayan sa mga proyekto ng flood control.
Tiniyak ng senador sa publiko na handa siyang ipagtanggol ang sarili at dumaan sa proseso ng batas upang patunayan ang katotohanan at ang kanyang katapatan bilang lingkod-bayan.
Binigyang-diin pa ni Estrada na lilinisin niya ang kanyang pangalan at naniniwala siyang sa tamang panahon ay mananaig ang katotohanan.














