Ipinasara ng Department of Migrant Workers (DMW) ang isang agency na sangkot umano sa illegal recruitment at walang lisensiya, ang “Visa to America”, matapos ang serye ng sabayang operasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Asec. Jerome Alcantara ng Department of Migrant Workers, sinabi niyang bahagi ito ng mas malawak na operasyon laban sa nasabing kompanya, na may mga sangay sa Ortigas, Quezon City, Zamboanga, Isabela, at iba pa.

Matagal na raw itong isinailalim sa surveillance matapos makatanggap ng reklamo mula sa ilang OFW kaugnay ng isang job fair kung saan inilahad ang mga alok ng naturang agency.

Ayon kay Alcantara, isa sa mga modus ng “Visa to America” ay ang pangakong mapagtatrabaho bilang guro sa Amerika.

Ngunit binigyang-diin niyang mapanganib ito dahil wala umanong kaukulang lisensiya ang kompanya mula sa DMW, kaya’t hindi lehitimo ang operasyon nito.

Dagdag pa niya, sabay-sabay ang isinagawang operasyon sa iba’t ibang branch ng kumpanya upang tiyaking tuluyang mahinto ang ilegal na aktibidad.