Hinimok ni Bise Presidente Sara Duterte si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na sumailalim sa drug test kasunod ng alegasyon ni Senator Imee Marcos na umano’y gumagamit ng iligal na droga ang ilang miyembro ng First Family.
Ayon kay VP Duterte, mahalagang ipakita ng pangulo ang resulta ng drug test upang patunayan na kaya pa rin niyang pamunuan ang bansa.
Nang tanungin kung naniniwala siya sa alegasyon, sinabi ng bise presidente na marami sa mga nakapaligid sa pangulo ang nagkumpirmang may kaugnayan sa paggamit ng droga.
Sa kabilang banda, nilinaw ng Malacañang na negatibo ang resulta ng isinagawang drug test ni Pangulong Marcos at wala rin itong balak na sumailalim sa hair follicle test.
Tungkol naman sa posibilidad na siya ang pumalit sa pangulo kung mapaalis si Marcos dahil sa lumalalang isyu ng korapsyon, nagpasya si VP Sara na hindi muna magbigay ng pahayag.
Ayon sa report, dadalo si Duterte sa Senate Hearing sa Huwebes, Nobyembre 27, kaugnay sa 2026 budget ng Office of the Vice President.














