Inihahanda na ang isang world-class pole vault tournament na gaganapin sa Ayala Triangle Gardens, Makati City sa darating na Setyembre 20 hanggang 21, 2025, tampok ang pambato ng Pilipinas na si Ernest John “EJ” Obiena at ilan sa mga pinakamahusay na pole vaulters mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Emosyonal na ibinahagi ni Obiena ang katuparan ng isa sa kaniyang matagal nang pangarap ang dalhin ang isang prestihiyosong paligsahan ng pole vault sa gitna ng lungsod ng Makati.

Una nang inakala ng marami na ang countdown na lumabas sa social media accounts ni Obiena ay para sa kaniyang pagreretiro, ngunit nilinaw niyang ito ay para sa isang malaking kumpetisyon na matagal na niyang pinaghandaan.

Ang torneo ay opisyal na kinikilala ng World Athletics, Asian Athletics, at ng PATAFA (Philippine Athletics Track and Field Association), at inaasahang magpapakita ng world-class performances mula sa mga pinakamagagaling sa larangan ng pole vault.

Bagama’t hindi pa inilalabas ang kompletong listahan ng mga kalahok, tiniyak ni Obiena na inaanyayahan nila ang mga top-ranked international athletes, kasunod ng World Championships. Inaasahan ding maaaring masungkit ang bagong national o kahit world record sa nasabing paligsahan.

Si Obiena mismo ang sasabak para sa Pilipinas, at umaasa siyang ang event na ito ay magsisilbing inspirasyon sa mga kabataang Pilipino upang mas lumawak pa ang interes sa pole vault at athletics sa bansa.

“Isa po ito sa mga pangarap kong natupad ang maibalik ang world-class athletics sa harap ng mga Pilipino,” ani Obiena.