Nagbanta si Serbian President Aleksandar Vucic ng mahigpit na aksyon laban sa mga anti-government protesters, kasunod ng ilang araw na kaguluhan at riot sa iba’t ibang bahagi ng Serbia, na kinikilala bilang pinakamalaking hamon sa kanyang pamumuno.
Sa kanyang pahayag nitong Linggo, tinawag ni Vucic ang mga kilos-protesta bilang “pure terrorism” at iginiit na ang mga ito ay bahagi umano ng isang planong sinusuportahan ng mga kanluraning bansa upang sirain ang Serbia. Aniya, layon umano ng mga nagpoprotesta na itaguyod ang “anarcho-leftist” na pamahalaan sa hinaharap, ngunit hindi siya nagpakita ng ebidensya upang patunayan ito.
Ayon sa kanya, nasa panganib ang bansa at kailangang magpatupad ng mas mahigpit na hakbang upang maiwasan ang lalong paglala ng sitwasyon. Binigyang-diin niyang hindi pa ipatutupad ang state of emergency, ngunit tiniyak niyang maglalabas ng konkretong tugon ang estado sa loob ng isang linggo.
Tumindi ang tensyon matapos ang limang sunod na gabi ng sagupaan sa pagitan ng mga demonstrador at ng mga pulis, gayundin ng mga tagasuporta ni Vucic. Nasunog ng mga nagpoprotesta ang opisina ng Serbian Progressive Party, pati ang ilang tanggapan ng mga kaalyado ng administrasyon. Sa Belgrade at Novi Sad, gumamit ang riot police ng tear gas habang naghahagis naman ng flares at bote ang mga demonstrador.
Ang mga protesta ay nagsimula mahigit siyam na buwan na ang nakararaan, matapos ang trahedyang pagguho ng konkretong canopy sa isang istasyon ng tren sa hilagang bahagi ng bansa na kumitil ng 16 na buhay. Marami ang naniniwalang ang insidente ay dulot ng korapsyon at kapabayaan sa mga proyekto ng imprastraktura ng estado.
Sa kabila ng hangaring makapasok sa European Union, patuloy ang ugnayan ni Vucic sa Russia at China. Sa kanyang talumpati, pinasalamatan niya ang suporta ng Russia sa kanyang pamahalaan laban sa tinawag niyang “colored revolution.”