Gumamit ng teargas at stun grenades ang pulisya sa Serbia upang ipagtabuyan ang libu-libong nagpoprotesta sa unibersidad sa Novi Sad na nananawagan ng snap elections para mapatalsik si Pangulong Aleksandar Vucic at ang kanyang Serbian Progressive Party (SNS).
Ayon kay Vucic, labing-isang pulis ang nasaktan sa kaguluhan ngunit walang inilabas na opisyal na bilang kung ilang sibilyan ang napinsala.
Nagtipon ang mga raliyista sa campus ng state university na may dalang plakard na may nakasulat na “We don’t want blockades, we want elections” at “Students have one urgent demand: Call elections.” Sumigaw din ang mga ito ng “Vucic, leave!” habang nagkagirian sa harap ng philosophy faculty.
Pinaniniwalaang galing sa hanay ng mga estudyante, oposisyon, at anti-corruption groups ang mga lumahok sa kilos-protesta. Itinuturo nila ang umano’y korapsyon bilang ugat ng trahedya sa Novi Sad railway station kung saan 16 katao ang namatay matapos bumagsak ang bubong noong Nobyembre.
Sinabi ni Vucic na hindi niya papayagang masira ang mga institusyon ng estado at inakusahan ang mga banyagang intelligence services na nasa likod ng protesta. Nag-anunsyo rin siya na magsasagawa ng mga rally ang kanyang mga tagasuporta sa iba’t ibang lungsod sa Linggo.
Nitong mga nakaraang buwan, patuloy ang mga kilos-protesta laban kay Vucic, karamihan ay mapayapa hanggang noong Agosto 13 nang magkaroon ng marahas na banggaan sa pagitan ng pulis at mga sibilyan.
Giit ng mga nagpoprotesta, ang solusyon sa krisis ay agarang pagtawag ng halalan upang magkaroon ng panibagong pamahalaan.