Sinunog ng isang pamangkin ang bahay ng kanyang tiyuhin sa Barangay Dorog, Leon, Iloilo pasado alas-8:10 ng gabi, Oktubre 28, matapos hindi siya pahiramin ng motorsiklo nito.

Kinilala ang suspek bilang si alyas Toto, 26 taong gulang.

Ayon kay Police Captain Martin Pugales, officer-in-charge ng Leon Municipal Police Station, nagalit umano ang suspek matapos tanggihan ng kanyang tiyuhin na gamitin ang motorsiklo.

Pinaniniwalaang nasa ilalim ng impluwensiya ng alak ang suspek nang umakyat ito sa ikalawang palapag ng bahay at sinilaban ang foam, na naging sanhi ng mabilis na pagkalat ng apoy dahil gawa sa light materials ang nasabing bahagi ng bahay.

Dalawa pang bahay ang nadamay bago tuluyang naapula ang apoy.

Idineklara ng mga awtoridad na totally damaged ang bahay ng tiyuhin, habang bahagyang nasira naman ang bahay ng suspek.

Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Leon Municipal Police Station ang suspek at posibleng sampahan ng kasong arson.

(with reports from Bombo Ronalyn Salvadico)