Binigyang-diin ni dating Senate President Franklin Drilon na ang Jaro Floodway Project ay produkto ng disente at tapat na pamumuno, bagay na patuloy ngayong tumatanggap ng papuri mula sa mga Ilonggo dahil sa matagumpay nitong pagpigil sa pagbaha sa loob ng mahigit isang dekada.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Drilon, sinabi niya na mas nakikita ngayon ang kahalagahan ng nasabing proyekto, lalo na matapos ang sunod-sunod na bagyong tumama sa bansa na nagdulot ng matinding pagbaha sa maraming lugar.
Ayon kay Drilon, ang Jaro Floodway ay isa sa mga pangunahing imprastrakturang nagbigay-proteksyon sa buong lungsod ng Iloilo laban sa malalakas na pag-ulan at bagyo.
Dagdag pa niya, hamon ito sa bagong henerasyon ng mga lider na magpatupad din ng mga proyektong may pangmatagalang benepisyo at maipagmamalaki ng mga Ilonggo, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Natapos ang konstruksyon ng Jaro Floodway noong 2011 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, matapos masiguro ni Drilon ang pondo para rito.
Layunin ng proyekto na magbigay ng daluyan ng tubig mula kabundukan patungo sa baybayin, upang maiwasan ang malawakang pagbaha sa mga tirahan sa lungsod tuwing may bagyo.














