Ni-relieve sa pwesto ang 46 na hepe sa Western Visayas kabilang ang lima mula sa Lungsod ng Iloilo.
Naging epektibo ang relief order kahapon, Enero 30, kasunod ng inilabas na Issuance of Orders for Reassignment at Resolution 2026-01.
Bukod sa limang hepe mula sa Iloilo City Police Office, may 11 na mula sa Antique Police Provincial Office, anim mula sa Aklan Police Provincial Office, 10 mula sa Capiz Police Provincial Office, isa mula sa Guimaras Police Provincial Office, at 13 mula sa Iloilo Police Provincial Office.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Lailyn Sencil, tagapagsalita ng Police Regional Office VI, sinabi niya na ang reassignment na ito ay bahagi ng regular na prosesong administratibo o rotation ng mga commander na nakapagsilbi na ng isa hanggang dalawang taon o higit pa bilang hepe.
Aniya, ito ay pinag-usapan at isinailalim sa proseso ng Second Level Officers Placement Board upang matiyak ang transparency, objectivity, at mahigpit na pagsunod sa umiiral na mga patakaran at alituntunin ng PNP.
Nilinaw ng opisina na ito ay karaniwang ginagawa ng PNP at walang sangkot na kaparusahan.
Hindi pa tinukoy kung saan itatalaga ang mga inireliebo na hepe, ngunit ayon kay Sencil, may ilan na ia-assign sa regional headquarters.














