Gagawing prayoridad ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayong taon ang paglilinis sa Bureau of Fire Protection (BFP) na itinuturing bilang isa sa mga pinakatiwaling ahensya ng pamahalaan sa bansa.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, gagawin nila ang lahat ng pagsisikap upang tuldukan ang korapsyon sa nasabing ahensya.

Binanggit ni Remulla na sa BFP, ang pagbebenta ng mga fire extinguisher, ang procurement ng mga sprinkler, ang pagproseso ng building permit, at marami pang iba ay puno ng mga anomalya.

Ayon sa kalihim, paiigtingin ng interior department ang pagmamanman sa mga tauhan ng bureau ngayong taon.

Nag-produce sila ng 15,000 body camera para sa mga inspector.

Ito ay gagamitin sa loob ng 24 oras at hindi maaaring patayin upang maitala maging ang kanilang mga pag-uusap.

Nauna nang sinabi ng kalihim noong 2025 na malawakan ang korapsyon sa BFP na nagsisimula mula sa mga firemen hanggang sa pinakamataas na opisyal.

Nauna na ring isiniwalat ang anomalya sa recruitment ng mga tauhan ng BFP kung saan naniningil umano ang mga tiwaling indibidwal ng P500,000 sa bawat aplikante kapalit ng pagpasok sa ahensya.

(Photo: George Calvelo)