MANILA — Inihayag ng bagong officer-in-charge ng National Bureau of Investigation (NBI) na si Angelito Magno na magiging prayoridad ng ahensya ang pagsasampa ng mga kaso kaugnay ng mga iregularidad sa mga proyekto sa flood control.

Ayon kay Magno, na pumalit kay Jaime Santiago matapos itong magbitiw bilang direktor ng NBI nitong unang bahagi ng buwan, tututukan ng kanyang pamunuan ang imbestigasyon sa mga “ghost” flood control projects at sa mga proyektong natukoy na substandard o mababa ang kalidad.

“’Yung pag-iimbestiga dito sa mga una, sa mga ghost projects, ‘yun ang ating priority at masampahan kung sino man ang dapat sampahan ng kaso,” pahayag ni Magno.

Dagdag pa niya, ipagpapatuloy ng NBI ang mga programa at inisyatiba na sinimulan ng kanyang pinalitang si Santiago.

“Tuloy-tuloy ‘yung laban natin diyan, at mas lalo pa nating paiigtingin dito sa Maynila at lalo na sa ating mga probinsya,” ani Magno.

Nauna nang bumuo ang Department of Justice (DOJ) ng isang task force upang siyasatin ang mga anomalya sa mga proyekto sa flood control sa bansa.

Samantala, sinabi ni Ombudsman Boying Remulla na inaasahang maisasampa ang mga kaso kaugnay ng flood control probe sa Nobyembre.