Tatlong katao ang nasawi habang lima naman ang sugatan matapos masunog ang isang gusali ng regional parliament sa lungsod ng Makassar, South Sulawesi sa Indonesia, ayon sa ulat ng mga awtoridad ngayong Sabado.
Batay sa pahayag ng disaster management agency ng bansa, hindi pa tiyak ang sanhi ng pagkamatay ng mga biktima, ngunit iniulat ng Antara News na maaaring na-trap sila sa loob ng nasusunog na gusali. Dalawa sa mga nasugatan ay naiulat na tumalon mula sa mataas na palapag upang makaligtas.
Ang insidente ay kasabay ng lumalalang kilos-protesta kaugnay ng isyu sa sahod ng mga mambabatas, na lalong uminit matapos masagasaan ng police armored vehicle ang isang delivery rider sa Jakarta.
Nagpahayag si Pangulong Prabowo Subianto ng pakikiramay sa pamilya ng nasawi at nangakong tututukan ang imbestigasyon.
Samantala, napaulat rin ang ilang insidente ng pandarambong at pagkasira ng mga pasilidad sa transportasyon sa Jakarta, Bandung, at Yogyakarta.