Umaasa pa rin ang mga transport cooperatives sa Western Visayas na sabay na ipatupad ng pamahalaan ang pagbibigay ng fuel subsidy at ang hinihiling na dagdag-pasahe upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Mr. Raymundo Parcon, Chairman ng Western Visayas Transport Cooperative, sinabi nito na patuloy na bumibigat ang kanilang operasyon dahil sa mataas na gastusin sa krudo, maintenance, at iba pang pangangailangan sa pamamasada.

Dahil dito, iginiit nila na hindi sapat ang isa lamang sa dalawang hakbang upang matulungan ang sektor.

Giit ni Parcon, kung ipatutupad lamang ang fare hike nang walang fuel subsidy, maaaring mabawasan ang bilang ng mga pasahero dahil sa dagdag gastos sa pamasahe.

Sa kabilang banda, kung subsidy lamang ang ipagkakaloob, hindi pa rin umano nito lubusang matutugunan ang pangmatagalang pangangailangan ng mga tsuper at operator.

Dagdag pa nila, mahalagang mapanatili ang balanse sa pagitan ng kapakanan ng mga mananakay at ng transport sector upang hindi maapektuhan ang araw-araw na biyahe ng publiko.

Sa kasalukuyan, hinihintay pa ng mga transport group ang magiging desisyon ng pamahalaan kaugnay sa kanilang panawagan, lalo na sa gitna ng patuloy na paggalaw ng presyo ng produktong petrolyo sa pandaigdigang merkado.

Umaasa ang mga transport cooperatives na agad na tutugunan ng gobyerno ang kanilang hinaing upang matiyak ang tuloy-tuloy at abot-kayang serbisyo sa transportasyon sa Western Visayas.