Hinamon ng whistleblower at isa sa mga akusado sa kaso ng mga nawawalang sabungero na si Julie Patidongan, na mas kilala sa alyas na “Totoy”, si retired judge at kasalukuyang chairman ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na si Felix Reyes na sumailalim sa lie detector test.
Ito ay matapos itanggi ni Reyes ang paratang ni Totoy na sangkot umano siya sa pag-areglo ng mga kaso para sa negosyanteng si Atong Ang.
Sa kabila ng paggiit ni Reyes na walang katotohanan ang akusasyon, sinabi ni Totoy na handa siyang humarap sa lie detector test upang patunayan ang kanyang mga pahayag—ngunit ipinaabot niya na kailangang kumonsulta muna siya sa kanyang abogado bago ito isakatuparan.
Kinuwestyon din ni Reyes ang timing ng paglabas ng alegasyon, lalo na’t kasabay ito ng kanyang aplikasyon sa posisyon bilang Ombudsman. Giit ng retiradong hukom, tila may layunin umanong sirain ang kanyang pangalan habang nasa gitna siya ng proseso ng aplikasyon.
Nauna nang inakusahan ni Totoy si Reyes ng umano’y pagbiyahe sa ibang bansa kasama ang ilang prosecutor at hukom, na aniya’y bahagi ng diumano’y pag-areglo sa ilang kasong may kaugnayan sa sabong.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa kaso ng mga nawawalang sabungero, habang nananatiling mainit na usapin ang integridad ng mga personalidad na nasasangkot dito.