Umakyat na sa 27 ang iniulat na nasawi bunsod ng epekto ng Southwest Monsoon o Habagat at ng mga bagyong Mirasol, Nando, at Opong, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council nitong Lunes.

Sa ulat ng NDRRMC, apat na ang nakumpirmang patay habang 23 pa ang sumasailalim sa beripikasyon. Nanatili naman sa 33 ang mga sugatan, at umakyat sa 16 ang mga nawawala na pawang for validation pa rin.

Aabot sa 906,794 pamilya o 3.4 milyong katao ang naapektuhan ng mga pag-ulan at pagbaha. Mahigit 30,000 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa higit 1,600 evacuation centers, habang 22,000 pamilya naman ang tinutulungan sa labas ng mga ito.

Nagdulot ng pagbaha sa 370 lugar ang sama ng panahon, kung saan 282 na ang humupa. Nasa 287 kalsada at 55 tulay ang naapektuhan, at hanggang Lunes, 47 kalsada at 13 tulay ang nananatiling hindi madaanan.

Naitala rin ang power outage sa 225 lungsod at bayan, kung saan 159 na ang naibalik ang suplay. Sa 16 lugar na nawalan ng tubig, 12 ang naibalik, habang 37 lugar ang naapektuhan sa komunikasyon at 33 dito ang wala pa ring linya.

Samantala, 178 seaports ang naapektuhan, at 35 pa ang hindi operational. Dahil dito, mahigit 2,600 pasahero, 928 rolling cargoes at 21 vessels ang naistranded.

Umakyat naman sa 16,911 ang kabuuang bilang ng mga napinsalang bahay sa iba’t ibang rehiyon, kabilang ang 2,600 na tuluyang nasira.

Sa agrikultura, tinatayang higit P1 bilyon ang production loss na katumbas ng 86,207 metric tons, na nakaapekto sa mahigit 37,000 magsasaka at mangingisda.

Samantala, nasa P979.6 milyon ang pinsala sa imprastraktura, pinakamatindi sa Region 1 na umabot sa P773 milyon. Naitala rin ng Department of Education ang pagkasira ng 1,370 silid-aralan, kabilang ang 254 na ganap na nasira.

Mahigit 50 lungsod at bayan ang nagdeklara ng state of calamity. Ayon pa sa NDRRMC, tinatayang 384,221 pamilya ang nangangailangan ng ayuda na katumbas ng P156.7 milyon, at halos kalahati na ang natugunan ng pamahalaan.