Narekober na ang mga bangkay ng dalawang mangingisdang nawala sa laot noong Lunes ng gabi sa bayan ng Sibunag sa lalawigan ng Guimaras.
Kinilala ang mga nasawi na sina Ryan Galfo, 32 anyos, at Vincent Paul Valles, 30 anyos, kapwa residente ng Sitio Liningwan, Maabay, Sibunag.
Ayon kay Teresita Siason, pinuno ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), pumalaot ang apat na mangingisda—sina Ryan, Vincent, Reynaldo Galfo, at Agosto Galfo—noong Lunes ng gabi upang mangisda.
Habang nasa laot, inutusan umano ni Reynaldo si Ryan na kunin ang boya ng lambat, ngunit tinangay ito ng malakas na alon.
Tinangka ni Reynaldo na sagipin si Ryan ngunit nabigo rin.
Sumunod na tumalon sa dagat si Vincent upang tumulong, ngunit siya rin ay tinangay ng agos.
Sa kabila ng ginawang pagsagip at paghahanap ng mga nakaligtas, bigo silang mahanap agad ang dalawa.
Matapos ang ilang araw ng search and rescue operation, natagpuan ngayong araw ang bangkay ng mga nawawala.
Patuloy ang imbestigasyon at paalala ng PDRRMO sa mga mangingisda na iwasan ang paglalayag sa gitna ng masamang panahon.