BAROTAC NUEVO, ILOILO — Nauwi sa trahedya ang pagtatalo ng magkapatid matapos barilin ng isang lalaki ang kanyang kakambal sa Sitio Dawis, Barangay Lagubang, Barotac Nuevo, Iloilo.

Kinilala ang suspek na si Alfonso, 56 taong gulang, residente ng Barangay Tubungan sa nasabing bayan. Ang biktima naman ay kinilalang si Zaldy.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Jersey Besas, Officer-in-Charge ng Barotac Nuevo Municipal Police Station, sinabi niyang nagtungo si Zaldy sa kanilang ancestral house matapos mabalitaan na naroon si Alfonso.

Nagkaroon umano ng mainitang pagtatalo ang magkapatid na nauwi sa pisikal na komprontasyon. Matapos ang sagupaan, umalis si Alfonso, kumuha ng baril sa loob ng bahay, at saka binaril ang kapatid sa ulo at dibdib.

Agad namang isinugod ang biktima sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival ng mga doktor.

Ayon sa imbestigasyon, nag-ugat ang alitan ng magkapatid sa isyu ng poste ng Wi-Fi na umano’y itinayo sa lupang pag-aari ng kanilang pamilya.

Nahaharap na si Alfonso sa kasong homicide, at posibleng madagdagan pa ito ng kasong illegal possession of firearms habang patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.