Isang tatlong taong gulang na bata ang nasawi matapos masagasaan ng grader sa Barangay Umilig, Buenavista, Guimaras.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Captain Rene Mercado, hepe ng Buenavista Municipal Police Station, inilahad niyang sinundo ng ama ang kanyang mag-ina gamit ang kanilang motorsiklo upang sana ay kumain sa isang fast food restaurant.

Habang binabagtas nila ang nasabing barangay, sinipa umano ng ama ang isang bukol ng niyog na nasa kalsada, ngunit ito’y tumama sa unahang gulong ng kanilang motorsiklo na naging dahilan upang mawalan siya ng kontrol sa manibela.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang mag-ina at bumagsak ang bata sa gilid ng kalsada — eksaktong sa daraanan ng isang grader na pababa ang takbo. Hindi napansin agad ng driver ang bata, at nasagasaan ito.

Ayon kay Captain Mercado, may mga residente pa umanong sumigaw upang abisuhan ang driver, ngunit huli na ang lahat.

Agad namang isinugod ang bata sa pinakamalapit na ospital ngunit idineklara rin itong dead on arrival.

Kasalukuyan nang nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng grader at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.