ILOILO CITY – Ayaw nang patulan ni Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog ang mga patutsada ng Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang sagot ng alkalde makaraang muling tawagin ng Pangulo na protektor ng iligal na droga ang city mayor.
Sa kaniyang speech sa harap ng mga negosyante na miyembro ng Cebu Chamber of Commerce and Industry, Inc. (CCCI) sa Lapu-Lapu City, Cebu, sinabi ni Duterte na talamak daw ang narco-politics sa Iloilo.
Pinasaringan din ni Duterte si Senate Minority Leader Franklin Drilon pero hindi raw ito pamumulitika.
Ayon sa Pangulo, kahit magkaibigan sila ni Drilon, pinsan pa rin ng senador si Mabilog.
Sinabi naman ng alkalde sa mensaheng ipinadala sa Bombo Radyo na sa halip patulan, ipagdadasal na lang umano niya ang Pangulong Duterte.
Pangalawang pagkakataon na itong tinukoy ng Pangulo sa kaniyang mga speeches si Mabilog na protektor daw ng iligal na droga.