Binuksan ngayong araw sa Lapu-Lapu City, Cebu ang 45th ASEAN Tourism Forum (ATF) 2026, na nagpapakita ng muling pagbabalik ng Pilipinas bilang host matapos ang halos isang dekada.

Sa temang “Navigating Our Tourism Future Together,” itinatampok ng forum ang papel ng bansa sa pagpapaunlad ng turismo sa Timog-Silangang Asya, integrasyon ng rehiyon, at pangmatagalang paglago.

Inaasahang dadalo sa opening ceremony si First Lady Liza Marcos.

Ayon sa Department of Tourism (DOT), layunin ng ATF 2026 na magdala ng sustained international attention, mas maraming turista, at mas mataas na negosyo sa bansa.

Dito rin magtatagpo ang mga tourism ministers, opisyal ng National Tourism Organizations, at lider ng industriya mula sa ASEAN at mga partner mula sa China, Japan, South Korea, India, Russia, Australia, at United States–ASEAN Business Council.

Kasama sa mga aktibidad ang ASEAN Tourism Ministerial Meeting, ASEAN Tourism Conference, at paglulunsad ng ASEAN Tourism Sectoral Plan 2026–2030, na naglalayong itaguyod ang sustainable at inclusive tourism sa rehiyon.

Bukas din ang TRAVEX 2026, ASEAN’s flagship tourism trade exchange, mula Enero 28–30 sa Mactan Expo, na nagtitipon ng mahigit 700 international buyers at sellers. Tampok rin ang mga cultural tours gaya ng “Paglantaw” sa Old Cebu at “Bagani” sa Lapu-Lapu City.

Ayon kay Tourism Secretary Christina Garcia Frasco, ang forum ay ekonomikong oportunidad at pagpapakita ng Pilipinas bilang lider sa ASEAN tourism, na nagtataguyod ng kooperasyon, inobasyon, at sustainable development sa buong rehiyon.