Nilinaw ng abogado ng mga biktima ng drug war na maaaring i-waive ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang karapatang dumalo kapag nagsimula na ang confirmation of charges hearing sa International Criminal Court (ICC).
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Gilbert Andres, sinabi niya na sa ilalim ng Rome Statute, kinakailangang naroon ang suspek sa confirmation hearing, ngunit binibigyan din si Duterte ng opsyon kung ayaw niyang dumalo.
Matatandaang sa pagbasa ng desisyon sa kanyang apela kaugnay sa pagbasura ng korte sa interim release noong Nobyembre 2025, ini-waive rin ni Duterte ang kanyang karapatang dumalo, pisikal man o virtual.
Sa halip na si Duterte, ang tanging humarap noon ay ang kanyang abogado na si Nicholas Kaufman kasabay ng pagbasa ng desisyon ng Appeals Chamber.
Ayon pa kay Andres, sa pagsisimula ng apat na araw na proceedings sa Pebrero 23, posibleng tumagal ito ng humigit-kumulang tatlong oras bawat araw, kung saan bibigyan ng patas na pagkakataon ang defense at ang prosekusyon para sa opening at closing statements, mga legal at factual na argumento, at presentasyon ng mga references ng ebidensya.
Pahayag niya, matapos ang confirmation of charges hearing, may tatlong posibleng senaryo na siyang pag-confirm ng mga kaso, ang pagtangging i-confirm ang mga ito, o ang pag-adjourn at ibalik sa prosekusyon ang mga dokumentong naglalaman ng kaso.
Dagdag pa niya, nahaharap si Duterte sa three counts ng murder bilang crimes against humanity, at kahit isang count lamang ang ma-confirm, magpapatuloy na ang kaso sa trial.













